Madalas, napapatingin ako sa kawalan,
Paano kung tuluyan na akong napag-iwanan?
Na masyado na silang malayo para abutan,
Na hanggang pagtanaw nalang ang makakayanan.
Nakakalungkot. Nakakatakot. Nakakapagod.
Na kahit anong pagtakbo ay laging nasasaludsod.
Sabi nila ang buhay ay hindi isang karera,
Ngunit masarap din naman minsan ang mauna.
Noon ay kay dami kong inasam at pangarap.
Na malalasap kapalit ng mahabang paghihirap.
Subalit tuluyan na silang tinangay sa alapaap,
- Nanlabo, natuyo at malayo nang mahanap.
Kung sakaling hindi ko man maabot tagumpay,
Ang tanging hiling ko'y katahimikan sa paghimlay.
Yaong hindi na nagagambala ng mga tanong at hikbi
Dala ng mga yumaong pangarap na ipinagdalamhati.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.