Maraming konsepto na akong sinukuan
Tulad ng pag-ibig at tunay na kaibigan.
Maraming beses na rin akong nasabihan
Na mahirap akong ibigin at maintindihan.
Natutuhan ko ng mag-isa sa bawat lakad,
Ibangon ang sarili sa bawat pagsadsad,
Punasan ang luha ng sariling mga palad,
At akayin ang katawan kung di na makausad.
Ngunit sa mga gabing nalulunod sa lungkot,
Ng pagod at takot na sa puso'y lumulukot.
Hindi ko maiwasang maiyak sa mga kumot
Na tanging saksi sa paghahanap ko ng sagot.
Masarap din siguro ang may masasandalan.
Kahit hindi na kahati sa bigat na pasan-pasan.
Basta't mananatili sa oras ng kalungkutan
At sa pagtalikod ng mundo'y hindi ka iiwan.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.