Saturday, November 11, 2023

Para Sa Aking Unang Minahal


Maraming beses na kitang gustong apulahin
Sa puso't isipan kung saan ka nakabinbin
Kahit magsumikap at tumakbo nang matulin
Hindi ka matanaw at magawang abutin

 

Wala akong ibang ipinadasal kung 'di ikaw
Ilang ulit ibinulong sa nagdaang bulalakaw
Subalit kung ang puso mo'y iba ang sigaw
Lulunukin ang pait hanggang ako'y bumitaw

 

Tahimik ngayon na nakaupo sa tabing dagat
Ipinapanalangin na anurin na ang binubuhat
Makalaya't maghilom sa natamong mga pilat
Buhat ng pag-ibig na ipinaglaban sa lahat

 

Nawa'y pareho nating matamo ang kasiyahan
Kahit hindi ikaw ang aking kinahantungan
Salamat pa rin maging sa mga kalungkutan
Na nagturo sa pusong ilaban ang nilalaman


Sa Edad na Desi-syete


Delikado pala ang maging desi-syete
Sa bansang binaboy ng mga Duterte
Ninakaw ang buhay ng mga estudyante
Ginamit ang dahas at baril na dekalibre


Sa edad na desi-syete, si Kian ay pinatay
Binaril sa ulo’t sa eskinita’y humandusay
Inaruga, pinag-aral at pinalaking mahusay
Dinatnan ng ina sa kanyang huling lamay


Sa edad na desi-syete, si Joshua ay kinitil
Sa larangan ng Dota, siya’y ‘di papasupil
Subalit sa pag-uwi ay bumulagta sa baril
Sabi ng mga inutil, sa checkpoint ‘di tumigil


Sa edad na desi-syete, si Jemboy ay pumanaw
Tahasang binaril ng unipormadong halimaw
Naglilinis lang sana ng bangkang umapaw
Napagkalamang kriminal ng mga utak sabaw


Sa edad sa desi-syete, bumuo sila ng pangarap
Pangarap na igagapang gaano man kahirap
Subalit ang lahat ay tinupok sa isang iglap
Ng mga halimaw na alaga ng politikong kurap

Kiyan


"Tama na po! may exam pa ako bukas"
Sigaw ng binatilyong na ubod nang lakas
Pumutok ang baril, ang dugo'y tumagas
Isang buhay muli ang tuluyang nalagas


Ito ba ang ipinangakong pagbabago nila?
Ang yurakan ang buhay ng dahil sa droga?
Nakakatakot, nakakagalit at nakakasuka
Kung paano mamatay na walang hustisya


Paano gagamutin ang kanser ng lipunan
Kung mismong sanhi ay nasa katungkulan
Mahuhuli, babawasan, ibabalik sa lansangan
Ang gramong nagsanhi ng libong kamatayan


Wala nang mas mahalaga pa sa buhay
Walang mas sasakit sa anak na ilalamay
Kung ito ang pamanang iiwan ni "Tatay"
Mas mabuti pang mauna na siya sa hukay


Hell Is Not A Place, Hell Is Other People


Sagad daw sa buto ang aking kasalanan
At umibig sa taong kapareho ng kasarian
Ngunit ito ay hindi rin naman kagustuhan
Babaguhin ang puso kung ito'y nadidiktahan


Kung tunay na ito'y likha ng kadiliman
Tulad ng sinasabi ng nagbanal-banalan
Anong saysay ng buhay na napipilitan
Kung ito ay iinog sa libro ng nakaraan?


Nagbibigay saya pero 'di maintindihan
Bitbit ang sugat ng madilim na kabataan
Naging tampulan ng tukso't karahasan
Ang unang sumusuka ay sariling angkan


Kung tunay na may impyerno't demonyo
Marahil ay nabubuhay na ako ngayon dito
At kung totoo man ang diyos na maawain,
Ilang ulit siyang hihingi ng tawad sa akin


In October


I lost August, and now I am losing September
In October, I pray things will get better
I just hope the days will be gentler
In October, I asked for acceptance
For the dreams that did not come true
For the love that did not push through
In October, I promise to love myself more
Even when things were never in my favor
In October, I believe hope will sprout
And stars would finally hear me out
In October, I wish to be happy, finally

My 2AM Episodes


Marahil ito na ang pinakamasakit na paalam
Pamamaalam sa pangarap na kay tagal inasam
Hindi dahil napagod kun'di ito ang mas mainam
Upang mabawasan ang bigat ng pakiramdam


Kung tuluyang mamaalam, ano ang kasunod?
Masasagip kaya mula sa tuluyang pagkalunod?
Paano ang pamilya't kaibigang 'di malulugod?
Kung tuluyang bibitaw at pangarap ay ipaanod


Baka hindi talaga pagsuko kun'di pahinga
Saglit na pagtakas sa nakakabalisang sistema
Gustong umawit, gumuhit, tumakbo at tumawa
Gawin ang mga bagay na nagbibigay ligaya


Nawa'y katulad ng kakatapos lang na ulan
Maging payapa na sana ang aking isipan
Mahanap na sana ang sagot sa katanungan
Kung bakit pinagdamutan ng nasa kalangitan?


Bawasan Ang Pasanin


Ibinulong sa dapithapon at umaga
Nawa'y makaalpas sa lahat ng problema
Hangga't mababaw, hangga't mababa,
Hangga't 'di pa nakakalunod o nakakalula


Idinalangin sa mga nagdaang bulalakaw
Sisiglang muli ang mga gabing mapanglaw
At 'di na mapuyat tuwing madaling-araw
Ng mga pangarap na nagkaligaw-ligaw


Ipinaubaya na sa hiwaga ng kalawakan
Ang mga taong umalis at di nagpaalam
Sa mga lumimot at hindi na nagparamdam
Hindi na maghahabol, hindi na makikialam


Isinusuko na sa mga paru paro't alitaptap
Ang mga hinanakit sa nabigong pangarap
Pipiliting bumangon at muling hahanap
Ng dahilang magpatuloy gitna ng hirap


Hindi na ipipilit.
Hindi magmamadali.
Dahil ang tunay na para sa akin,
Payapa dapat sa damdamin.


Lambug


I stare at the seemingly sad orange sky
As waves hit my feet, I broke into a cry
I was restless and started losing color
Days filled with rain and loud thunder


I was drowning and tearing apart
With all the dreams inside my heart
To watch them wither one by one
I found myself getting left behind


Tonight, I will cry to the brightest stars
Sob violently and embrace my scars
Silently wishing tomorrow is kinder
I'll promise to be wiser and do better


When Butterflies Died In The Stomach

 

Ang pag-ibig ay 'di lamang nasusukat sa pagtitiis
Kung hindi sa kahandaang tapusin ang hinagpis
Bitawan ang nakakasugat, gamutin ang daplis
Pumalag sa umabuso, nanakit at nagmalabis


Kung ang paggalang ay tuluyan nang lumisan
Hindi kalabisan na tuldukan na ang pasan
Sapagkat kung patuloy na panghahawakan
Lalo lamang sisidhi ang malalim nang hidwaan


Kung ang bawat kilig ay tuluyan nang napanis
Kung kislap sa mata'y napalitan na ng inis
Kung halakhak ay napalitan na ng pagtangis
Bakit hindi pa mamaalam at tuluyang umalis?


Ito'y parte ng katawan na mananatiling sugatan
Isang karanasan na habambuhay pagsisihan
Isang pag-ibig na gugustuhing makalimutan
Isang munting pangarap na piniling bitawan.


Hihintayin Kita


Mangarap ka lang muna, mahihintay kita
Dahil pag-ibig ko'y hindi magiging pabigat
Hindi ka ilalayo sa kung ano ang nararapat
Hindi maghahangad ng higit pa sa sapat


Maglakbay ka lang muna, mahihintay kita
Hindi hahadlang ang pag-ibig ko sa iyo
Tuparin mo muna ang mga naunang plano
Ibubulong sa mga tala na marating mo ito


Maghilom ka lang muna, mahihintay kita
Mananatili sa iyong yakap sa bawat araw
Kung ang langit ay matingkad o mapusyaw
Sa mga sandaling masaya o mapanglaw


Handa kang hintayin wala mang katiyakan
Na sa dulo'y uuwi ka sa aking kanlungan
Handang sumugal umuwing mang luhaan
Kung sa huli ay mabuo mo ang katauhan


Mahihintay kita kahit gaano katagal
Hindi mapapagal, aking mahal


Pagod, Pagkawala at Pagkadapa

May mga pagod pala na mahirap ipahinga
Yaong 'di napapawi ng paghimbing sa kama
Masidhing pagkahapo ng puso't kaluluwa
Bunsod ng paulit-ulit na arawang sistema



May mga lakbay din na 'walang direksyon
Naglahong tunguhin sa paglipas ng panahon
Nakalutang sa kawalan at tinangay ng alon
Ang diwang minsa'y sumigaw ng padayon


Gayundin naman ang sugat na 'di naghihilom
Singhapdi ng palad na ikinuyom sa tuyom
Sugat na tinahi ng malakawang na karayom
Nilanggas ng kabiguan, karahasan at gutom


Pagod, pagkawala at pagkadapa sa kawalan
Pagtangis ng kaluluwang ni ayaw tumahan
Mga hiling na nilipad at nilamon ng kalawakan
Nawa'y matupad kahit na sa ibang katauhan


Sa Aking Ika-24 Kaarawan


Piliin mong maging malaya.
Sa aking karaawan, ito'y naging panata.
Malayang masugatan, tumumba at madapa
Malayang iyakan ang madamot na mga tala.


Sa araw na ito'y pinipili ko ang kapayapaan
Palayain ang sarili sa mabigat na pasan-pasan
Sa matataas na puno'y isisigaw ang dahilan
Ang takot na naramdaman, hiya't alinlangan


Sa malamig na lungsod, muling susubukan
Sa piling ng sarili, hahanapin ang kasiyahan
Kasiyahang naligaw sa daan ng kamaynilaan
Buhayin ang pangarap na dagling nalimutan


Mabuting Pagkamuhi


Akala ko dati, mali ang anumang pagkamuhi,
Na ang galit ay lason na sisira sa paguu-ugali,
At palaging tama ang magtiis at magtimpi,
Itikom ang bibig para sa Kanyang luwalhati.


Hanggang magising ako sa gobyernong malupit,
Na nagkukunyaring mabait at may malasakit.
Mga pangakong napako at yamang kinupit,
Ang tumuligsa sa kanila'y buhay ang kapalit.


Hindi pala mali ang mamuhi sa kasamaan,
Ang magalit sa tiwala at isuklam ang kawatan.
Lalo't nakasalang ang buhay at kinabukasan,
Ng bayang ginahasa't nilukmok sa karimlan.


Upuang Walang Sandalan


Maraming konsepto na akong sinukuan
Tulad ng pag-ibig at tunay na kaibigan.
Maraming beses na rin akong nasabihan
Na mahirap akong ibigin at maintindihan.


Natutuhan ko ng mag-isa sa bawat lakad,
Ibangon ang sarili sa bawat pagsadsad,
Punasan ang luha ng sariling mga palad,
At akayin ang katawan kung di na makausad.


Ngunit sa mga gabing nalulunod sa lungkot,
Ng pagod at takot na sa puso'y lumulukot.
Hindi ko maiwasang maiyak sa mga kumot
Na tanging saksi sa paghahanap ko ng sagot.


Masarap din siguro ang may masasandalan.
Kahit hindi na kahati sa bigat na pasan-pasan.
Basta't mananatili sa oras ng kalungkutan
At sa pagtalikod ng mundo'y hindi ka iiwan.


Isang Tagpo sa Dalampasigan


Magkatabing nakatanaw sa papalubog na araw,
Walang nais umimik, walang nais gumalaw
Hanggang sa lumingon ka't luha'y natanaw
Tanda ng paghihirap at pag-ibig na pumanaw


"Magagalit ka ba kung magmahal ako ng iba?"
Tanong mong pumatay sa natitirang pag-asa
Durog man ang puso'y subukan kong isalba
"Wala na ba talaga? Baka maaaring subukan pa?"


Umiling ka nang paulit-ulit at ako'y niyapos
Na sa sobrang higpit ay ni ayaw kong matapos
Kaya kahit ikamatay, pinalaya ka sa pagkagapos
Pabaon ang dalangin na lumigaya kang lubos


At sayong pagtalikod at paglakad papalayo
Bumuhos ang mga luhang kaytagal itinago
Kung ito na ang huling beses na ika'y makatagpo
Salamat sa lahat Mama, mag-iingat ka po!


Si Ginang Guevarra


Sa tuwing nagdaraan si Mathilda Guevarra,
Reyna ng hasyenda, may-ari ng asukarera.
Lahat ay nabibighani sa angkin niyang yaman
Bukod siyang pinagpala, ani nga ng karamihan.


Makikinang na dyamante, magagarang kasuotan,
Mala-palasyong tahanan, di mabilang na sasakyan,
Tonelada ng pilak at negosyong sangkatutak,
Inhenyerong kabiyak at asensadong mga anak.


Bukod sa karangyaan, ginintuan din ang kalooban,
Palaging bukas-palad sa maralitang taong-bayan.
Tunay ngang siya'y larawan ng isang tagumpay,
Ng panaginip at pangarap na 'di maabot-kamay.


Subalit isang umaga ay nagimbal ang lahat.
Sa isang usap-usapang kay bilis kumalat.
Si Ginang Guevarra'y lumuwag ang turnilyo,
Natagpuan sa kwarto, nagbaril sa ulo.


Tumahak Ng Ibang Daan

 

Bitbit ang mabibigat na ala-ala ng kahapon
Matiyagang naghintay sa lumang estasyon
Ang lalakeng larawan ng determinasyon
Patungo sa paraiso ng ginintuang nayon


Dumilim na ang langit, nawala na ang iba
Nangawit ang binti't namuti na ang mata
Saka napagtantong wala na talaga
Walang tren darating- wala ni isa.


Dala ang mabibigat na hakbang palabas
Humanap ang lalake ng alternatibong lunas
Nagtanong, naglakad- inabot ng bukas
'Di natakot tahakin ang estranherong landas


Inabot ng paltos at sugat sa talampakan
Buhat ng marahas na buhay-lansangan
Naligaw, nadapa at lumampas ng daan
Sa wakas, narating din ang paroroonan


Mga Payaso, Artista at Puppet


 Mga payasong nahalal sa palasyo't pedestal.
Kumikitil ng buhay, tumatapak ng dangal.
Mga hangal! Wala kayo sa sirku't karnabal.
Matutong gumawa't tigilan ang ngalngal.


Mga artistang wala sa entablado't palabas.
Nagdudunong-dunungan na tila mga pantas.
Mga talipandas! mga mangmang sa batas.
Ang tungkuli'y bumalagtas, hindi magwaldas.


Malamanyikang mahistrado ng kataas-taasan.
Nagbubulag-bulagan, nagbibingi-bingihan.
Kataksilan! Walang bayag at paninindigan.
Pasumpa-sumpa pa sa bulag na timbangan.


Bayang magiliw, perlas ng silanganan,
Lupain ng kawatan, ga-bundok na kautangan.
Paano aalpas sa kumonoy ng kahirapan,
Kung ang mismong humahatak ay nasa katungkulan.


Sabay


Paumanhin kung hindi kita mahihintay sa dulo
Dahil ang nais ko ay samahan ka sa bawat segundo.
Sa pagkadapa, sa unos, sa ingay at hindi sigurado
Sabay nating bagtasin ang daang magulo.


Sasamahan kang mabasa sa ulan ng problema,
Sa katiyakan, alinlangan, sa saya at pagkadismaya.
Kung mahapo sa maghapon ay sa akin mamahinga.
Taimtim kang babantayan abutin man ng umaga.


Muli, hindi lang ako maghihintay kun'di sasabay.
Sa'yo, sa piling mo, pangako ito.





Mga Yumaong Pangarap


 Madalas, napapatingin ako sa kawalan,
Paano kung tuluyan na akong napag-iwanan?
Na masyado na silang malayo para abutan,
Na hanggang pagtanaw nalang ang makakayanan.


Nakakalungkot. Nakakatakot. Nakakapagod.
Na kahit anong pagtakbo ay laging nasasaludsod.
Sabi nila ang buhay ay hindi isang karera,
Ngunit masarap din naman minsan ang mauna.


Noon ay kay dami kong inasam at pangarap.
Na malalasap kapalit ng mahabang paghihirap.
Subalit tuluyan na silang tinangay sa alapaap,
- Nanlabo, natuyo at malayo nang mahanap.


Kung sakaling hindi ko man maabot tagumpay,
Ang tanging hiling ko'y katahimikan sa paghimlay.
Yaong hindi na nagagambala ng mga tanong at hikbi
Dala ng mga yumaong pangarap na ipinagdalamhati.



The Man Near The Fountain

 

 It was a dark and bleak wintry night
He was sobbing again near the fountain
Weeping, bitter tears of disappointment
Sadness with no signs of concealment


Shamelessly wiping those tears with his palm
With genuine looks of innocence and humility
Made him perfectly beautiful in that scenery
As an epitome of bravery despite lamentation


Weak yet strong, subtle yet genuine
What's the use of fire in the midst of rain?
To spoke of gladness yet screamed of pain
To pretend of valiance while nakedly bleeding


Winter has passed, leaves have faded
He remained sitting near the same fountain
But no longer crying but sincerely smiling
For weakest point leads to the truest strength


The Night I Took UPCAT - pass or fail?

Tinaluntun ko ang mga pangyayari kanina at biglang napa-isip,
Sapat na kaya ang naibigay ko upang ako ay tuluyang managinip?
Na sa paglipas ng taon, ako ay taas-noong makababalik.
Hindi bilang isang dayuhan kundi iskolar na ng bayan.

Habang tinatahak ko ang daan pabalik kung saan ako nagmaula,
Dinama ko ang malamig simoy ng hangin na humahaplos aking mukha,
Pinagmasdan kong maigi ang mga punong taon na tanda,
At marahang hinaplos ang bawat tinatapakang lupa.

Magkahalong kaba, takot, pag-asa, pananabik at galak,
Ngunit lamang ang pangambang baka ito na ang huli kong pagtapak,
At nang mamasdan ko ang lalaking nakadipa at animo'y malaya,
Nabuhay sa dugo ang pansariling ambisyon at adhikang mabansa.

Kung palarin man na ako'y mabalik sa lugar kung saan talino ang puhunan,
Sasariwain ko ang mga ala-alang ito kung saan una kong natikman,
Kung paano mangarap na mapabilang sa mga pilosopong iskolar ng bayan,
Sulong para sa inaasam na kinabukasan, sa sarili at bayan.
Mabuhay ka UP!
Mabuhay tayong malaya!

Pag-ibig Sa Loob Ng Garapon


Tatlong taon at pitong buwan na ang nakalipas,
Nang mangako ka sakin ng pag-ibig na hindi kukupas.
Subalit ano itong nararamdaman ko
Bakit tila unti-unting sumisikip ang binuo nating mundo?

Pilit man akong mabulag-bulagan, magbingi-bingihan at magkunwaring walang alam,
Ramdam ko parin ang panlalamig ng dating nagbabagang pag-ibig.
Isang pagbabagong ni sa hinagap ay hindi ko naapuhap,
At ngayoy tila isang daluyong na bumayo sa mga binuo nating mga pangarap.


Kailan pa maging malamig ang bawat mong paghaplos?
Kailan pa naging piitan ang iyong mga yakap?
Kailan pa naglasang kalawang ang iyong mga halik?
At kailan pa naging punyal ang bawat mong pagtitig?

Hindi mo man sabihin, sapantaha ko'y marami nang nagbago.
Isa na marahil dito ang ritmong tinutugtog ng puso mo.
Natatakot akong aminin ngunit ramdam ko ang unti-unti mong pag-ayaw.
Tila baga ako'y hawak mo sa gilid ng bangin at hinihintay nalang ang aking pag-ayaw.
Pilit ko mang ibalik ang alab ng natupok na pag-ibig, alam kong huli na ang lahat.

Naging abo nalang ang masasayang ala-ala na binuo natin at humalo sa alapaap.
Mahirap tanggapin na ang hinihingi mong kalayaan ay siya ko namang kulungan.
Pero bago mo pa ako tuluyang iwanan at sumama sa iba nais kong sabihin na nilagyan ko ng lason ang kinain mo kanina.

Mamatay ka nang hayop ka!
Mamatay na lahat ng lalaking magaling lang sa una.!

Para Sa Aking Unang Minahal

Maraming beses na kitang gustong apulahin Sa puso't isipan kung saan ka nakabinbin Kahit magsumikap at tumakbo nang matulin Hindi ka mat...